Isang Hamon Sa Mga Magulang sa Pagtatapos ng Buwan ng Wika


Patapos na naman ang Buwan ng Wika. Salamat sa Diyos na ako ay isang guro. Salamat sa pagkakataon na maibahagi ang kulturang Pilipino sa maliliit na bata at sa pamilya nila.

Noong isang linggo, puro “Baby” ni Justin Bieber and naririnig kong inaawit ng mga bata. Ngayon, may malalakas na hagikhikan pagkatapos nilang awitin ang “Dyip ni Mang Juan.”

Dati-rati, sa tuwing naglalaro, isa sa mga mag-aaral ang mahilig mag-“air bending” (hango sa “The Last Airbender”). Ngayon, paulit-ulit ang hiling niya, “Teacher, maglaro naman tayo ng luksong baka!”

Noong isang linggo rin, hilig ng isang grupo ng mga mag-aaral na ihanay ang mga upuan nang magkakasunod. Umuupo sila roon at sinasabing sila ay nakasakay sa tren, at tutungo sa Hongkong Disneyland. Ngayon, may dalawang magkaharap na hanay ng mga upuan. Sa dulo ng bawat hanay ay may nakatalikod na silya. Umuupo sila roon at sinasabing sila ay nakasakay sa dyip, at tutungo sa “beach” upang mag-picnic.

Datapwa’t ang sinisigaw pa rin ng mga bata ay “Ready or not, here I come!” hindi mapapantayan ang saya nila tuwing naglalaro ng Taguan Pung.

Para sa mga batang hindi mahilig kumain ng prutas o gulay, masaya ako dahil nagustuhan nila ang matamis na manggang pinatikim ko.

Para sa mga batang wikang Ingles ang nakagawian, masarap pakinggan na sambitin nila ang “Magandang Umaga,” “salamat,” at “paalam.”

Nawa’y ipagpatuloy ng mga bata ang pagmamano sa mga nakatatanda. Nawa’y maging totoo sila sa pangakong hindi lang puro “video games” ang aatupagin. Lalabas na raw sila ng bahay upang maglaro ng Patintero. Sanaý patuloy rin nilang kagiliwan ang “Bato-bato-pik” at “Sawsaw Suka.”

Maliliit pa ang aking mga mag-aaral. Sayang! Hindi pa nila maiintindihan ang “Langit Lupa Impiyerno.” Tsk. Tsk. Tsk. Mas lalong mahirap ipaliwanag sa kanila ang “Siato” na paborito naming laro noon.

Sa aking pagtatanto, napakasarap maging isang bata, ngunit higit na masarap maging batang Pilipino. Nawa’y marami pang mga batang mamulat sa mga laro at kaugaliang Pinoy. Isang hamon sa mga kapwa ko magulang – gawin nating kasing-saya ng ating kabataan ang paglaki ng ating mga anak.

Ngayon din nga pala ay Araw ng mga Bayani. Ipinagmamalaki ko na sa aking munting paraan, ako ay may nagawa para sa kulturang Pilipino.

No comments:

Post a Comment

Hi! Please share your thoughts to add to my records.